
Pinalawak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga oportunidad sa pagsasanay at kabuhayan sa mga lokal na komunidad sa pamamagitan ng mga bagong pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan, organisasyon sa pananaliksik at mga kinatawan ng industriya.
Pormal na nilagdaan ang mga Memorandum of Agreement (MOA) at Memorandum of Understanding (MOU) noong Setyembre 29 sa Taguig City.
Layunin ng mga kasunduang ito na gawing mas makabago at tumutugon sa pangangailangan ng merkado ng paggawa ang technical-vocational education and training (TVET), kabilang ang mga pangangailangan ng mga umuusbong na industriya.
Binigyang-diin ni TESDA Director General at Sec. Kiko Benitez na sa patuloy na pagbabago ng mga industriya at mundo ng trabaho, mahalagang palakasin din ng TESDA ang mga pakikipagtulungan nito upang matiyak na nananatiling angkop sa pangangailangan ng mga Pilipino at ng ekonomiya ang mga programa sa teknikal-bokasyonal na edukasyon at pagsasanay.
Kabilang sa mga bagong kasunduan ang pakikipagtulungan sa Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) upang magbigay ng suporta sa pagpapaunlad ng organisasyon at pagpapalakas ng kakayahan ng mga samahan ng mga mangingisda sa ilalim ng FishCoRe MARLIN Component.
Layunin nitong gamitin ang kakayahan at karanasan ng dalawang ahensiya upang makatulong sa pagpapalawak ng mga mapagkukunan ng kita ng mga komunidad ng mangingisda.










