Friday, August 14, 2026

P36-M na halaga ng ayuda, inihahanda na ng PCIC para sa mga magsasakang naapektuhan ng mga bagyo at habagat

Nasa 5,005 na magsasaka ang makikinabang sa P35 million na halaga ng insurance payout para sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng bagyo at habagat.

Ayon sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), ang mga magsasakang mayroong insured na sakahan ay napinsala ng mga Bagyong Luis at Maymay, gayundin ng habagat, mula Agosto 1 hanggang 11.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., base sa ulat ni PCIC President Jovy Bernabe, inatasan na ng state crop insurer ang mga regional office nito na magsagawa ng validation sa mga pinsala at pabilisin ang pagproseso ng mga claim.

Batay sa inisyal na pagtataya, umabot sa P35.67 milyon ang insured damage sa anim na rehiyon.

Pinakamaraming magsasaka ang naapektuhan sa Region III na may 1,836, sinundan ng Region I na may 1,218 at Region IV-B na may 836.

Naitala sa Region I ang pinakamalaking insured damage na umabot sa P9.89 milyon, sinundan ng Region III na may P8.80 milyon at Region IV-B na may P7.56 milyon.

Sa Region IV-A naman, naitala ang tinatayang P5.04 milyong pinsala, habang P3.47 milyon at P0.92 milyon ang iniulat na pinsala sa Region II at Region VI, ayon sa pagkakasunod.

Pinakamalaki sa insured losses ang pinsala sa palay, na umabot sa P25.60 milyon, habang P3.55 milyon naman ang pinsala sa mais at P3.73 milyon sa high-value crops.

Facebook Comments