
Sinita ng Malacañang ang ilang benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) dahil sa umano’y pagpapakitang naglilinis lang para sa photo opportunity.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakikita ng pamahalaan ang ilang insidente kung saan nagwawalis o nangangalap ng basura ang mga benepisyaryo para lamang sa litrato o video.
Pagkatapos ng photo opportunity, agad naman umanong umaalis ang ilan at hindi na ipinagpapatuloy ang paglilinis.
Mas mabigat pa rito, sinabi ni Castro na may mga pagkakataong nagtatambak pa umano ng basura sa isang lugar para lamang may maipakitang nililinis sa video.
Paalala ng Palasyo, hindi binabayaran ng gobyerno ang mga benepisyaryo ng TUPAD para gumawa ng pekeng video o magkunwaring nagtatrabaho.
Hinikayat ni Castro ang mga benepisyaryo na seryosohin ang kanilang tungkulin at tuparin ang serbisyong kapalit ng kanilang tinatanggap na ayuda mula sa pamahalaan.










