
Pinayagan ang work-from-home (WFH) o iba pang alternative work arrangement para sa mga empleyado ng gobyerno sa NCR at 12 lalawigan ngayong Agosto 14 dahil sa tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Pasok sa direktiba ang NCR at mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon at Occidental Mindoro.
Kasabay nito, ipatutupad ang alternative learning modes sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa mga lugar na sakop ng direktiba, maliban kung may ibang ipatutupad ang mga lokal na pamahalaan.
Hindi kasama sa work arrangement ang mga ahensyang nagbibigay ng basic services, health services, disaster response at iba pang mahahalagang serbisyo, na kailangang magpatuloy sa operasyon.
Para naman sa pribadong sektor, nasa management ang desisyon kung magpapatupad ng WFH, alternative work arrangement o suspensyon ng trabaho.










