Friday, August 7, 2026

Philippine Navy, nilinaw na hindi nakadestino sa BRP Sierra Madre ang marinong inakusahan na gumagamit umano ng ilegal na droga

Nilinaw ng Philippine Navy na ang marinong inakusahan na gumagamit umano ng ilegal na droga ay hindi nakaassigned sa BRP Sierra Madre nang panahon na iulat ito.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Capt. Marissa Martinez, ang nasabing marino ay nakaassigned sa ibang unit ngunit ngayon ay nagsasagawa na rin sila ng masusi at imparsyal na imbestigasyon para matukoy ang lahat ng pangyayari.

Tiniyak naman ng Philippine Navy na sakaling lumabas na lumabag ang nasabing marino ay papatawan ito ng kaukulang administratibo at legal na aksyon batay sa umiiral na batas at regulasyon ng militar.

Nanindigan naman ang Navy na pinananatili nito ang zero-tolerance policy laban sa paggamit, pagkakaroon at distribusyon ng mga ilegal na droga kung saan ito ay malawak na paglabag sa core values ng mga myembro ng nasabing organisasyon.

Binigyang-diin din ng Navy na nananatili silang disiplinado at propesyonal sa organisayon kung saan ang lahat ng mga tauhan nito ay regular na sumasailalim sa mandatory at random drug testing batay sa umiiral na batas at polisya nang sa gayun ay para mapanatili ang operational readiness at ang mission effectiveness ng mga ito.

Facebook Comments