
Taos-pusong nakikiramay ang pamunuan ng Philippine Army (PA) sa naulilang pamilya ng dalawang sundalo na nasawi matapos maka-engkwentro ang mga rebelde sa Sumisip, Basilan kahapon.
Ayon kay Lt.Gen. Roy Galido, Commanding General ng Philippine Army kinikilala nila ang kabayanihan ng dalawang sundalo na nagbuwis ng buhay maprotektahan lang ang mga kababayan natin sa Basilan.
Sa nasabing insidente, nasawi ang dalawang sundalo habang 12 iba pa ang sugatan matapos ang pag-atake ng mga rebelde habang nagsasagawa ng security operation ang mga tropa ng 101st Infantry Brigade para sa United Nations Development Program na layong magsagawa ng livelihood project sa lugar.
Kasunod nito, nangako si Gen. Galido na magkakaloob ng tulong sa naulilang pamilya ng dalawang sundalo gayundin sa mga sugatang sundalo hanggang sila ay maka-recover at gumaling.
Sa ngayon, patuloy ang ugnayan ng PA sa local government units (LGUs) ng Basilan at iba pang law enforcement agencies upang mapanagot ang mga nasa likod ng madugong engkwentro.
Samantala, nasa Basilan ngayon si Armed Forces Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. para magsagawa ng isang command conference matapos ang insidente.