PAARALAN SA DAGUPAN CITY, SUSPENDIDO ANG KLASE DAHIL SA 40°C NA HEAT INDEX
Nagsuspinde ng face-to-face classes ang Dagupan City National High School (DCNHS) ngayong Miyerkules, Nobyembre 4, dahil sa inaasahang 40 degrees Celsius na heat index sa lungsod.
Alinsunod ito sa memorandum na inilabas ng Schools Division Office (SDO) of Dagupan City noong Nobyembre 3, bunsod ng pagtataya ng DOST-PAGASA na pasok sa Extreme Caution category ang inaasahang init ng panahon.
Kaugnay nito, sinuspinde rin ng Mangaldan National High School ang face-to-face classes ngayong hapon batay sa Executive Order No. 130 at DepEd Memorandum No. 64, series of 2026.
Gayundin ang Manaoag National High School na bukod sa pagsususpinde ng face-to-face classes ay lumipat din sa Alternative Delivery Mode o ADM.
Layunin ng mga hakbang na mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro laban sa posibleng epekto ng matinding init ng panahon.
Pinayuhan naman ang lahat na uminom ng sapat na tubig at iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








