Pinangunahan ni National Irrigation Administration o NIA Administrator Engr. Eddie G. Guillen ang ceremonial turnover ng proyekto noong November 5, 2026, kung saan muling iginiit ang suporta ng ahensya sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpapabuti ng mga pasilidad sa irigasyon.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapataas ng produktibidad ng mga sakahan, pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka, at pagpapalakas ng seguridad sa pagkain sa bansa.
Ayon sa NIA, itinayo ang Pacalat CIS noong 1971 upang magsilbi sa mga barangay ng Pacalat, Malibong at Bunagan.
Noong 1998, isinagawa ng NIA Pangasinan Irrigation Management Office ang rehabilitasyon sa diversion dam nito upang mapahusay ang distribusyon ng tubig sa mga karatig na sakahan.
Sa paglipas ng panahon, pinalawak ang saklaw ng sistema upang maisama ang apat pang barangay na kinabibilangan ng Maravilla, Maravilla Arellano Extension, Calvo at Torre 1st.
Sa kabuuang 600 ektaryang saklaw ng pinaunlad na pasilidad, 420 ektarya ang bagong service area, 120 ektarya ang rehabilitated area, at 60 ektarya naman ang naibalik sa operasyon.
Binigyang-diin naman ni Guillen na hindi lamang pagtatayo at rehabilitasyon ng mga pasilidad ang layunin ng NIA, kundi ang matiyak na may sapat at maaasahang suplay ng tubig ang mga magsasaka para sa kanilang mga pananim. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








