Monday, September 21, 2026

Pag-apruba sa school safety act, pinamamadali ni SP Win Gatchalian sa Senado

Pinamamadali ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagapruba sa Comprehensive School Safety Act bunsod ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan sa bansa.

Pinakahuli rito ang insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato kung saan tatlo ang nasawi.

Layon ng panukala na bumuo at magpatupad ng National Comprehensive School Safety Framework sa pangunguna ng Department of Education (DepEd), kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga local government unit (LGU).

Sa ilalim ng panukala, kailangang gumawa at mag-update taon-taon ang bawat paaralan ng School Safety Plan na iaangkop sa kanilang lokal na sitwasyon at kailangan din nilang maghanda at regular na mag-update ng School Safety Handbook na maglalaman ng mga polisiya, proseso, emergency information at mga serbisyong suporta para sa mga magaaral.

Nakapaloob din sa Handbook ang School Code of Conduct na magtatakda ng mga hindi katanggap-tanggap na gawain, pati na ang mga kaukulang disciplinary at restorative interventions.

Naunang hinimok ni Gatchalian ang mga lokal na otoridad at opisyal at ang DepEd na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at ibigay ang lahat ng tulong sa mga biktima.

Facebook Comments