
Ipinauubaya na lamang ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa mga legal expert ang pagtukoy kung maaaring ma-override o masunod ang isang resolusyon na nagpapabasura sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte kumpara sa pagganap ng Senado bilang impeachment court.
Ayon kay Estrada, hindi siya abogado kaya ang usaping ito ay ipinaaral niya sa kaniyang mga abogado.
Naniniwala ang senador na Constitutional duty nila na dinggin ang impeachment case laban sa sinumang impeachable officer at ito ay nakasulat sa ating Konstitusyon.
Unang inamin ni Estrada na nakakuha siya ng kopya ng resolusyon noong Lunes at pinabasa ito sa kaniya.
Tumanggi naman si Senator Joel Villanueva na magkomento sa usapin.
Ayon kay Villanueva, anumang may kinalaman sa merito ng kaso ay ayaw na niyang magsalita dahil isa siya sa magiging hukom sa impeachment trial.