PAGBABANTAY SA NASASAKUPAN NG BRGY. NUNGNUNGAN 1, PATULOY

Cauayan City – Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga Brgy. Officials at mga tanod sa nasasakupan ng Brgy. Nungnungan 1, Cauayan City.

Sa naging panayam ng IFM News Team kay Conchita Labayan, kagawad sa nabanggit na barangay, sinabi nito na bagama’t mapayapa umano ang sitwasyon sa kanilang lugar ay sinisiguro pa rin nila na hindi makakapagtala ng anumang insidente na maaaring magdulot ng panganib sa mga residente.

Ayon kay kagawad Labayan, may mga naitalang insidente ng mga nakawan ng alagang hayop sa lugar kaya’t mas naging alerto sila nang may mabalitaang may nagaganap na nakawan sa karatig barangay.

Sa kasalukuyan, nagtutulong-tulong ang 20 barangay tanod sa lugar sa pagro-ronda upang matiyak na maiiwasan ang pagkakatala ng anumang insidente.

Gayunpaman, sinabi ni Labayan na kailangan rin nila ng tulong ng mga residente sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan kaya naman hinihikayat niya ang mga ito na makipag-ugnayan at kaagad na ireport sakali man na may mapansing kahina-hinalang tao, kilos o aktibidad.

Facebook Comments