Nagsagawa ng regulated pre-release ng tubig ang San Roque Dam kahapon, Agosto 26, bilang precautionary measure sa gitna ng patuloy na pag-ulan na dulot ng Habagat.
Batay sa abiso ng National Power Corporation o NAPOCOR, naitala sa 275.45 meters above sea level o MASL ang water level ng dam dakong alas-9:00 ng umaga.
Dahil dito, isang gate ng Low-Level Outlet o LLO ang binuksan dakong alas-5:00 ng hapon, kung saan tinatayang 150 cubic meters per second o CMS ng tubig ang pinakawalan.
Kasabay ng pre-release, nagpaalala naman ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO sa mga komunidad na malapit sa Agno River na pansamantalang umiwas sa paglapit sa ilog at patuloy na bantayan ang mga abiso ng mga awtoridad.
Ayon naman sa PDRRMO, wala pa namang dapat ikabahala ang publiko kaugnay ng pagpapakawala ng tubig, subalit mahalaga pa rin ang ibayong pag-iingat lalo na’t nagpapatuloy ang pag-ulan at maaaring magbago ang kondisyon ng mga ilog at iba pang waterways.
Nilinaw din ng ahensya na ang Low-Level Outlet ay isang controlled outlet na hiwalay sa spillway gates at turbines ng San Roque Dam. Isinasagawa ang regulated pre-release upang magkaroon ng karagdagang espasyo sa reservoir para sa posibleng pagpasok pa ng tubig dulot ng pag-ulan.
Patuloy namang mino-monitor ng mga kinauukulang ahensya ang water level ng San Roque Dam, lagay ng panahon at kondisyon ng Agno River, habang pinapayuhan ang publiko na maghintay at sumunod lamang sa mga opisyal na abiso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





