Patuloy na pinag-iingat ang mga mangingisda sa Pangasinan sa posibleng panganib sa laot bunsod ng umiiral na Habagat at pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Ayon sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, bagama’t walang nakataas na gale warning sa lalawigan, hindi pa rin dapat maging kampante ang mga mangingisda dahil posible pa ring makaranas ng malalakas na hangin at katamtaman hanggang malalakas na alon.
Batay sa monitoring, maaaring umabot sa 3.4 metro o mahigit 11 talampakan ang taas ng mga alon sa ilang bahagi ng karagatan dahil sa epekto ng Habagat.
Samantala, ayon kay Jose Estrada Jr., Chief Meteorological Officer ng DOST-PAGASA Dagupan, maaari namang pumalaot ang mga mangingisda sa ngayon dahil walang umiiral na gale warning, subalit binigyang-diin nito ang ibayong pag-iingat dahil maaaring mabilis na magbago ang kondisyon ng panahon at karagatan.
Paalala ng PAGASA, mahalagang alamin muna ng mga mangingisda ang pinakahuling weather at sea condition bago pumalaot, lalo na ang mga gumagamit ng maliliit na bangka na mas lantad sa panganib kapag lumakas ang hangin at alon.
Hinihikayat din ng PAGASA-Dagupan ang publiko, partikular ang mga mangingisda at iba pang may aktibidad sa karagatan, na regular na bantayan ang kanilang mga opisyal na forecast at abiso, kabilang ang Gale Warning, upang malaman kung ligtas pa bang pumalaot o kinakailangan nang manatili sa pantalan.
Iginiit naman ng mga awtoridad na kahit walang gale warning, hindi ito nangangahulugang wala nang panganib sa karagatan, kaya mahalaga pa rin ang pag-iingat at pagsunod sa mga abiso ng kinauukulang ahensya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





