PAGBAHA AT LEBEL NG TUBIG SA MGA ILOG AT DAM SA ALAMINOS CITY, TINUTUTUKAN

Pinaigting ng mga barangay at lokal na pamahalaan sa Alaminos City ang kanilang monitoring at paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa harap ng banta ng pagbaha at pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog at dam dulot ng Tropical Depression “Luis”.
Sa Barangay Balayang, naiulat kahapon ang pagbaha sa De Leon Road Spillway, Sitio Putrido Spillway, at Balayang Main Road Bridge. Ayon sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management (BDRRM) Team, patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon at nakahanda silang tumugon sakaling lumala pa ang pagbaha.
Samantala, naglabas ng agarang babala ang Barangay Quibuar matapos iulat na mabilis ang pagtaas ng lebel ng tubig sa kanilang dam at malapit na itong mapuno dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Patuloy rin ang weather monitoring ng Sangguniang Barangay ng San Vicente upang agad na matukoy ang anumang pagbabago sa lagay ng panahon.
Sa Barangay Sabangan, masusing ring binabantayan ang lebel ng tubig sa mga ilog matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan upang makapaghanda ang mga residenteng naninirahan sa mga mabababang lugar.
Sa Barangay Telbang naman, nakatuon ang monitoring sa mga coastal area bilang paghahanda sa posibleng epekto ng masamang panahon sa mga komunidad na nasa baybayin. Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang mga opisyal sa City Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang mabilis na pagtugon sakaling magkaroon ng emergency. Samantala, nagsagawa ang Barangay Palamis ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa banta ng bagyo.
Sa kabila ng nararanasang sama ng panahon, nananatiling nakaalerto ang mga barangay officials at mga disaster response teams sa buong Alaminos City upang matiyak ang kaligtasan ng bawat komunidad. Patuloy ding hinihikayat ang publiko na makiisa sa mga paalala ng mga awtoridad, umiwas sa mga mapanganib na lugar, at maging handa sa anumang posibleng paglala ng panahon habang nananatili ang banta ng Tropical Depression “Luis.” | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments