Kaniya-kaniyang diskarte ang mga Dagupeno kung paano kumita sa pang-araw-araw na pangangailangan sa kabila ng pabugso-bugsong ulan dito sa Dagupan City.
Ayon sa tala ng DOST-PAGASA, dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat at ng Tropical Depression Luis, nakaranas ang lalawigan ng Pangasinan ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin mula kahapon, Agosto 3 at inaasahan hanggang ngayong araw, Agosto 4.
Sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang manggagawa sa lungsod, kabilang ang mga street sweeper, drayber, at mga manlalako sa Pamilihang Lungsod ng Dagupan, sinabi nilang malaki ang epekto ng masamang panahon sa kanilang kabuhayan.
Ayon sa mga drayber, nahihirapan silang bumiyahe dahil sa malakas na ulan, hangin, at mababang visibility sa mga kalsada. Samantala, nahihirapan naman ang mga street sweeper sa paglilinis dahil sa patuloy na pag-ulan, pagbaha, at pagkalat ng mga basura.
Problema rin ng mga manlalako ang pag-iipon ng tubig-ulan sa kanilang mga tolda na kinakailangan pa nilang butasan upang maalis ang tubig. Hindi rin umano kinakaya ng malalaking payong ang malalakas na bugso ng hangin, dahilan upang mabasa ang kanilang mga paninda.
Bukod dito, sinabi rin ng mga negosyante na kakaunti ang kanilang mga mamimili, habang ang ilan sa kanilang mga paninda ay nababasa at nasisira dahil sa ulan.
May mga negosyo rin umanong pansamantalang hindi nakapagbukas bunsod ng patuloy na masamang panahon.
Sa kabila ng mga hamon, pinipilit pa ring magbenta ng ilan sa mga manggagawa upang magkaroon ng maiuwing kita sa kanilang pamilya, kahit hindi sila tiyak kung mauubos ang kanilang mga paninda sa buong maghapon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Sa kabila ng mga hamon, pinipilit pa ring magbenta ng ilan sa mga manggagawa upang magkaroon ng maiuwing kita sa kanilang pamilya, kahit hindi sila tiyak kung mauubos ang kanilang mga paninda sa buong maghapon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments







