
Malapit nang maisapinal ang peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng Cordillera Bodong Administration-Cordillera People’s Liberation Army (CBA-CPLA).
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakahanda na ang gobyerno na pormal na isara ang kasunduan, mahigit 15 taon matapos lagdaan ang closure agreement sa pagitan ng dalawang panig.
Kasabay nito, tiniyak din ni Marcos na matutuloy ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre.
Puspusan na rin aniya ang paghahanda ng Commission on Elections, mga law enforcement agencies, mga volunteer, at iba pang stakeholder upang matiyak na magiging mapayapa, maayos, at kapani-paniwala ang halalan.
Binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan upang masiguro ang seguridad at patuloy na pag-unlad ng bansa.










