Tuesday, September 1, 2026

Parusa sa mga estudyanteng magdudulot ng karahasan sa paaralan, inilatag ng DepEd; Zero Tolerance Policy, mas paiigtingin

Mas pinalakas pa ng Department of Education (DepEd) ang kampanya laban sa bullying, pananakit, at pananakot sa mga paaralan.

Ito ay sa ilalim ng DepEd Order No. 006, series of 2026 o ang Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment.

Sa pakikipagtulungan ng DepEd sa Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at mga local government unit (LGU), ipatutupad ang strict Zero-Tolerance Policy laban sa mga lalabag maging sa loob man ng campus o maging sa online.

Ayon sa DepEd, ang Child Protection Committee ng bawat paaralan ang mamamahala sa pag-iimbestiga sa mga insidente upang masiguro ang proteksyon at psychosocial support para sa mga biktima.

Samantala, inilatag din ang mabibigat na parusa depende sa antas ng paglabag.

Para sa minor offenses, ipatutupad ang reprimand, pag-abiso sa magulang, at guidance counseling na direktang hahawakan ng guro.

Para naman sa serious offenses tulad ng paulit-ulit na bullying at online harassment:

Sa first offense, lalapatan ito ng hanggang limang araw na suspension at DSWD referral.

Sa second offense, kakailanganin nang lumipat ng paaralan sa susunod na school year sa ilalim ng non-readmission.

At sa third offense, agarang pagpapatalsik o exclusion at paglipat sa alternative learning.

Hindi naman papatawarin ang mga papasok sa high-risk offenses tulad ng matinding pananakit, bomb threat, at pagdadala ng armas.

Non-readmission agad sa unang paglabag, samantalang permanent exclusion at pormal na pag-turnover sa mga awtoridad ang idudulot ng ikalawang paglabag.

May kapangyarihan din ang school head na magbaba ng hanggang tatlumpung araw na preventive suspension habang gumugulong ang imbestigasyon.

Bukod sa mga parusang administratibo mula sa paaralan, maaari ring humarap sa pananagutang kriminal o custody intervention mula sa PNP at DSWD ang mga estudyanteng mapapatunayang lumabag.

Facebook Comments