
Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng mahigit P8 bilyong pondo para sa dagdag sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa DBM, para ito sa mga posisyong na-reclassify sa ilalim ng Expanded Career Progression o ECP System ng Department of Education (DepEd).
Sinabi ng DBM na aabot sa 93,344 reclassified positions ang makikinabang sa salary differentials na kaugnay ng kanilang bagong posisyon.
Ilalaan anila ang pondo para sa mga personnel na mayroon nang Notice of Organization, Staffing, and Compensation Action o NOSCA, at mga appointment para sa reclassified positions.
Habang mas malaking pondo naman ang inilaan sa ECP System sa panukalang 2027 National Budget na aabot sa P12.09 billion na mas mataas ng halos P6 billion mula sa kasalukuyang taon.
Sa pamamagitan anila nito ay mabibigyan ng mas maraming oportunidad ang mga guro na umangat sa kanilang career at makatanggap ng mas mataas na sweldo nang hindi kinakailangang umalis sa paaralan.










