Thursday, August 27, 2026

Pagbuo ng polisiya para maiwasan ang nangyaring livestream sa gitna ng school shooting, ipinauubaya ng DOJ sa DICT; ama ng estudyanteng namaril, sinampahan na ng reklamo

Ipinauubaya na ng Department of Justice (DOJ) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang ahensiya ang hakbang para maiwasan nang maulit ang insidente ng school shooting na naka-livestream pa mismo sa social media platform.

Partikular ito sa school shooting sa Zamboanga noong August 18 kung saan nagawa pang mag-live ng batang namaril sa kasagsagan ng insidente na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Ayon kay DOJ Undersecretary Ian Norman Dato, nasa mga ahensiyang may kinalaman na rito ang pasya sa kung anong gagawin na polisiya upang hindi na ito maulit pa.

Sinabi rin ni Dato na hiwalay ito sa kanilang mandato na i-evaluate ang lahat ng mga natatanggap na reklamo ng kagawaran.

Sa ngayon, sinampahan na aniya ng Philippine National Police (PNP) ng reklamo ang ama ng estudyanteng sangkot bilang rehistradong may-ari ng ginamit na baril.

Inihain ang mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide and physical injury sa Office of the City Prosecutor ng Zamboanga City kung saan sasailalim na ito sa evaluation.

Facebook Comments