Wednesday, August 26, 2026

33 DOH hospitals, nagbukas ng fast lane kontra leptospirosis —Malacañang

Nagbukas na ng Leptospirosis Fast Lane ang 33 ospital ng Department of Health (DOH) para mas mabilis na matugunan ang mga pasyenteng posibleng tinamaan ng sakit matapos lumusong sa baha.

Sakop nito ang mga DOH hospital sa Metro Manila, Region I, II, III, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, bahagi ito ng paghahanda ng DOH sa posibleng pagdami ng leptospirosis cases kasunod ng mga pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang lugar.

Nagpatawag din si Health Secretary Edwin Mercado ng command conference sa mga DOH hospital para mas mapabilis ang pag-refer ng mga pasyente sa mga ospital na may available na kama.

Nakikipagtulungan na ang DOH Operation Center sa San Lazaro Hospital para agad mahanapan ng ospital ang mga pasyenteng kailangang ma-admit.

Tiniyak naman ng DOH na may sapat na kama at gamot para sa mga pasyenteng mangangailangan ng gamutan.

Bukas din ang mga DOH hospital, health center at Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) clinic para sa mga kailangang magpatingin matapos lumusong sa baha.

Facebook Comments