Tuesday, July 21, 2026

Bank at tax records ni VP Sara at Atty. Mans Carpio, ipinapa-subpoena na ng Senate Impeachment Court

Nagbaba na ng desisyon ang Senate Impeachment Court tungkol sa pagpapa-subpoena ng mga tax records at bank accounts nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Mans Carpio.

Sa gitna ng Day 7 ng impeachment trial, pinayagan ng Senate Impeachment Court ang pagpapa-subpoena sa mga tax records at bank accounts ni Vice President Duterte at asawang si Carpio.

Sa 21 negosyo, 19 na korporasyon naman na may interes ang bise presidente ang pinagsusumite ng mga records.

Hindi naman pinayagan ang pagpapa-subpoena sa mga foreign o dollar accounts ni Vice President Duterte na pinangangalagaan sa ilalim ng confidentiality ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Iginiit ni Presiding Officer Chiz Escudero na hindi ito ang unang pagkakataon na susuriin ang mga bank records dahil nangyari na rin ito noong Corona impeachment trial.

Na-overrule o ibinasura ng korte ang hirit ng depensa na huwag payagan ang pagpapa-subpoena sa tax at bank records mula 2007 hanggang 2021.

Ibig sabihin, saklaw ng subpoena ang mga bank account at tax records mula noong naging alkalde at bise alkalde ng Davao City si Duterte hanggang sa kasalukuyan niyang posisyon bilang ikalawang pangulo.

Ipinag-utos naman ng Senate Impeachment Court na isumite ng mga bangko ang mga hinihinging kopya ng records sa Clerk of Court sa July 30, alas-9:00 ng umaga.

Kakailanganin naman ng awtorisasyon mula sa pangulo para sa ganap na pagpapa-subpoena sa mga tax records ni Vice President Sara Duterte.

Facebook Comments