Saturday, June 13, 2026

Halos P900-K na halaga shabu na idineklarang tsokolate, naharang sa Pasay City

Naharang ng mga awtoridad ang mahigit 124 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P843,200.

Nakalagay ito sa dalawang outbound parcels na idineklarang naglalaman ng mga tsokolate sa isang cargo facility sa Pasay noong Hunyo 11, 2026.

Ang dalawang parcel ay nagmula sa Bulacan at nakatakdang ipadala sa isang consignee sa Tagbilaran.

Kahina-hinala umano ang mga package matapos makita sa X-ray screening ng logistics facility personnel ang mga hindi pangkaraniwang laman.

Sa isinagawang K9 inspection ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nagbigay ng positive alert ang drug-sniffing dogs na maaaring may nakatagong iligal na droga sa loob ng mga parcel.

Sa manual inspection, natuklasan na ang hinihinalang kontrabando ay nakatago sa mga lalagyang may label na “Ube Krunch” at “Choco Krunch.”

Isusumite ang mga kontrabando sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang mga taong nasa likod ng tangkang pagpapasok ng iligal na droga.

Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), kasama ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group bilang bahagi ng kampanya laban sa iligal na droga.

Facebook Comments