Thursday, June 11, 2026

Dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kinasuhan ng tax evasion sa DOJ

Nagsampa ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay dahil sa pagkabigo nitong magbayad ng tamang buwis at hindi paghahain ng Annual Income Tax Returns mula 2019 hanggang 2023.

Ayon sa BIR, kasong tax evasion at failure to file return and pay tax sa ilalim ng National Internal Revenue Code ang isinampa kay Guo dahil sa mahigit isang bilyong piso nitong hindi binayarang buwis.

Nagsimula ang imbestigasyon kasunod ng pagdinig sa Senado noong 2024 kaugnay sa sinalakay na POGO hub sa Bamban kung saan inamin nito na marami siyang ari-arian, sasakyan at may kaugnayan din sa ilang korporasyon.

Natuklasan din ng BIR ang malalaking financial transactions, expenditures at mga assets na pagmamay-ari ni Guo gaya ng mga real properties, sasakyan, helicopter at bank transactions pero walang nakitang inihaing income tax returns sa loob ng limang magkakasunod na taon.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, patuloy na hahabulin ng ahensya ang mga tax evader, iligal na negosyante at mga hindi nagbabayad ng buwis.

Facebook Comments