
Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) ang naging hakbang ng kanilang mga tauhan sa gitna ng ulat ng komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at ng mga nagprotestang guro malapit sa Malacañang.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ginampanan lamang ng mga pulis ang kanilang tungkulin na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan alinsunod sa mga itinakdang operational procedures.
Iginiit din ng pamunuan ng pulisya ang presumption of regularity sa mga tauhan nito habang hinihintay ang opisyal na ulat mula sa ground commanders.
Matatandaang nagsagawa ng kilos-protesta ang Alliance of Concerned Teachers o ACT araw bago ang World Teachers’ Day upang igiit ang panawagan para sa ₱50,000 na panimulang sahod, karagdagang allowance, at mas mataas na badyet para sa edukasyon.
Bagamat iginagalang ng PNP ang karapatan ng publiko sa malayang pagpapahayag, umapela rin si Nartatez sa mga raliyista na sumunod sa mga legal na utos ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.










