
Nagkasa ng kilos-protesta sa Mendiola ang nasa 500 guro at mag-aaral ngayong World Teachers’ Day para ihayag ang kanilang mga panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bandang alas-2 ng hapon nang simulan ng Alliance of Concerned Teachers ang kanilang martsa mula España Boulevard patungong Mendiola.
Bitbit ng grupo ang anim na pangunahing panawagan, kabilang ang ₱50,000 panimulang sahod para sa mga guro at dagdag budget sa edukasyon.
Hinihingi rin nila ang makataong workload at working conditions, sapat na suporta sa promotion, at pagrespeto sa karapatan at academic freedom ng mga guro.
Ayon sa Manila City DRRM Department, umabot sa humigit-kumulang 500 katao ang lumahok sa protesta.
Mapayapang nag-disperse ang mga raliyista bandang alas-3:30 ng hapon.
Wala ring naiulat na tensyon o kaguluhan sa lugar, kumpara sa tensyong naganap kahapon sa loob ng Malacañang complex.
