Wednesday, August 26, 2026

PAGKAKURYENTE, ISA RING BANTA SA MGA BINABAHANG LUGAR NGAYONG TAG-ULAN; PDRRMO PINAG-IINGAT ANG PUBLIKO

Nagpaalala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko na magdoble-ingat laban sa panganib ng electric shock, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan kung kailan mas tumataas ang posibilidad ng aksidenteng may kinalaman sa kuryente.

‎Nag-iingat sa pag-aayos malapit sa kable ng mga kuryente ang lalaking ito lalo at katatapos lamang ng ulan at basa pa ang kable pati na rin ang katawan at mga hinahawakan nito.

‎Ayon sa PDRRMO, mas nagiging delikado ang paghawak sa mga kagamitang de-kuryente kapag basa ang kamay dahil ang moisture ay maaaring magpababa sa resistensya ng balat at magpadali sa pagdaloy ng kuryente sa katawan.

‎Dahil dito, patuloy rin ang payo ng iba pang lokal na awtoridad sa publiko na patuyuin muna ang kamay bago humawak ng plug, switch o anumang electrical appliance, at iwasang gumamit ng mga kagamitang de-kuryente malapit sa tubig o basang lugar.

‎Patayin din ang mga appliance at extension cord kapag hindi ginagamit, lalo na kung may malakas na pag-ulan o pagbaha.

‎Pinayuhan din ang publiko na huwag lumusong sa baha dahil posibleng may nakababad na live wire o putol na kable na maaaring magdulot ng pagkakakuryente.

‎Sa gitna ng tag-ulan, muling iginiit ng mga lokal na awtoridad na ang pagiging maingat at pagsunod sa wastong electrical safety practices ay mahalaga upang maiwasan ang sakuna at mapanatiling ligtas ang bawat isa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments