
Inihayag ng Manila Police District (MPD) na kakailanganin pa rin ang suporta ng buong komunidad para mabantayan ang lahat ng mga mag-aaral sa lungsod ng Maynila.
Ito’y kasunod ng nangyaring insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan sa mga ito.
Sa naging panayam ng DZXL News kay MPD Spokesperson Maj. Philipp Ines, sinabi nito na mahalaga ang pakikipag-ugnayan ng lahat mula sa barangay, mga magulang at pamunuan ng paaralan upang hindi mangyari ang nasabing insidente.
Aniya, sa mga simpleng paraan tulad ng pagre-report o pagtawag sa 911 ng anumang uri ng hindi inaasahang insidente at mga kahina-hinalang tao o bagay ay malaking tulong na para sa kanila para mapigilan ang krimen.
Paliwanag pa ni Maj. Ines, nasa 116 public at 88 private schools na may mahigit 500,000 estudyante ang nag-aaral sa mga ito ang ang kanilang binabantayan para maging panatag ang lahat.
Mula pa nung magbukas ang klase ay tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay kung saan bukod sa mga nakatalagang mga pulis kada paaralan at mga nagpapatrolyang mga tauhan ng MPD, SWAT, lumalabas at nag-iikot rin ang mga admin personnel na mga pulis para sa karagdagang seguridad.










