
Ikinatuwa ng grupo sa sektor ng agrikultura ang inihayag ng Department of Agriculture (DA) na mailalabas na ang bakuna kontra African Swine Fever (ASF) sa darating na Abril.
Ayon kay Agricultural Sector Alliance of the Philippines Rep. Nick Briones, nararapat lamang na madaliin na ang paglalabas ng bakuna upang maisalba ang naluluging negosyo ng ilang magbababoy.
Aniya, kailangan na talagang maturukan ang nasa 6.3 milyon na baboy upang maiwasan na kumalat pa ang ASF.
Giit ni Briones, bagama’t makukuha ang bakuna sa commercial, ihihirit nila na mabigyan ng subsidiya ang mga backyard hog raisers.
Ito’y upang makakuha sila ng bakuna kontra ASF at hindi tuluyan malugi kung saan nasa P12,500 ang isang bote na may 50 doses ng bakuna.
Umaasa ang grupo, na sa oras na mailabas ang bakuna sa merkado ay posibleng mapapababa na ang presyuhan ng baboy at mas lalo pang darami ang suplay nito.