Korte Suprema, idinisbar ang isang abogado dahil sa paggamit ng pera ng kliyente

Naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na i-disbar ang isang abogado matapos gastusin ang nakuhang pera ng kaniyang kliyente.

Ang nasabing abogado ay kinilalang si Atty. Demosthenes S. Tecson kung saan una itong inireklamo ng apat niyang kliyente sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Sa naging desisyon ng SC En Banc, nilabag ni Tecon ang Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) kung saan nagamit at hindi nito naipaliwanag kung saan napunta ang P60 milyon na pera ng kaniyang kliyente.

Unang naipanalo ni Tecson ang expropriation case ng kaniyang mga kliyente sa Regional Trial Court (RTC) kung saan makatatanggap ang apat ng kumpensasyon na aabot sa P134 milyon pero P53 milyon lang ang naibigay ng dating abogado.

Paliwanag ni Tecson, kinuha niya ang pera bilang attorney’s fee at ginamit umano sa kampanya ni dating Justice Secretary Leila de Lima na mariin naman itinanggi ng kampo ng senadora saka sinabing hindi nila kilala si Tecson.

Giit pa ni Tecson, nagbayad din siya sa isang PR man para mapabilis ang kaso lalo na kulang sa ebidensiya kung saan alam naman daw ito ng kaniyang mga kliyente subalit pinabulaanan ito ng apat na complainant.

Facebook Comments