Mahigpit na nagbabala ang mga awtoridad dito sa San Fabian sa mga naliligo sa beach na huwag lumangoy sa malalim na parte ng Dagat.
Ito ay kaugnay sa sunod-sunod na insidente ng pagkalunod na kumitil sa buhay ng tatlong katao sa magkakahiwalay na lugar sa loob lamang ng tatlong araw.
Noong Sabado, nasawi ang isang 18-anyos na binatilyo matapos maligo sa bahagi ng Nibaliw Vidal.
Ayon sa ulat, kasama nito ang dalawang iba pang kabataan na may edad 15 hanggang 18 na lumangoy sa Pantalan Area lampas sa itinakdang warning marks kung saan malalim ang tubig.
Dahil sa malakas na agos, agad rumesponde ang mga awtoridad ngunit hindi na naisalba ang biktima.
Kinabukasan, Abril 19, isa na namang trahedya ang naitala sa beach area ng Brgy. Tiblong kung saan isang 36-anyos na lalaki ang nalunod, ayon sa San Fabian Municipal Police Station.
Makalipas ang isang araw, isa pang insidente ang naitala noong Abril 20 matapos malunod ang isang 50-anyos na lalaki sa Cayanga River sa Brgy. Longos Central.
Dahil sa magkakasunod na insidente, iginiit ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga dalampasigan at patuloy ang pagbibigay ng paalala sa publiko.
Panawagan ng ahensya sa mga naliligo at bumibisita sa mga beach at ilog na sumunod sa mga babala at huwag lumampas sa mga itinakdang warning zones










