Tuesday, September 8, 2026

Authenticity ng mga bank records na ipina-subpoena sa Impeachment trial, Pinapa-kumpirma ng prosekusyon sa depensa

Hiniling ng prosecution team sa defense panel ni Vice President Sara Duterte na kumpirmahin ang mga bank records na naunang isinumite ng mga bangko sa Senate Impeachment Court.

Ang hirit ng prosekusyon para sa admission ng depensa sa 104 pages na mga dokumento ay para mapabilis at mapaikli ang paglilitis.

Sa manifestation ni Prosecutor Chel Diokno, tinukoy niya ang Rule 26 ng rules of court at saklaw dito ang hiling na suriin at tanggapin ang pagiging totoo at kahalagahan ng dokumento.

Naisumite din ngayong araw ng prosekusyon sa depensa ang written request para sa admission ng defense team sa mga bank records kung saan tutukuyin ng kampo ng bise kung ang mga bank documents na ipina-subpoena ay totoo at kung ang mga nilalaman ng records ay kay Duterte.

Nilinaw ni Diokno na hindi naman nila pinapaamin ang depensa sa mga bank records na wala silang alam o wala silang access.

Humingi naman si Atty. Michael Poa ng defense team ng 15 araw para tumugon sa request for admission ng prosekusyon na pinagbigyan naman ng impeachment court.

Facebook Comments