Ayon kay Police Colonel Redentor C. Ulsano, Provincial Director ng LUPPO, agad na kumilos ang pulisya matapos matukoy ang banta na nakatuon sa ilang institusyong pang-edukasyon, kabilang ang Don Mariano Marcos Memorial State University–Mid La Union Campus (DMMMSU-MLUC), Saint John Bosco College of Northern Luzon Inc. (SJBCNL), at Lorma College.
Bilang tugon, nagtalaga ang City of San Fernando Police Station ng mga pulis sa mga apektadong paaralan upang tiyakin ang seguridad ng mga estudyante, guro, at kawani. Nagsagawa rin ng masusing inspeksyon at security sweep ang La Union Police Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (LUPECO) sa pakikipag-ugnayan sa mga administrador ng paaralan, kung saan wala namang natuklasang anumang pampasabog.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang LUPPO sa pakikipagtulungan sa PNP Anti-Cybercrime Unit 1 (RACU1) upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng dummy account na nagpakalat ng naturang banta.
Binigyang-diin ni PCol. Ulsano na seryosong tinatrato ng pulisya ang lahat ng banta sa kaligtasan ng publiko, kahit pa ito ay magmula sa dummy account o mapatunayang panloloko lamang.
Nagbabala rin ang LUPPO na ang paggawa ng dummy account upang magpakalat ng bomb threat, maghasik ng takot, o maglabas ng mapanirang pahayag ay isang mabigat na paglabag sa batas. Maaaring managot ang sinumang sangkot sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 o Bomb Threat Law, gayundin ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nanawagan din ang LUPPO sa sinumang may impormasyon tungkol sa gumagamit ng naturang dummy account na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang makatulong sa patuloy na imbestigasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








