
Iginiit ng Malacañang na hindi nagpapadala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa resulta ng mga survey, kahit pa tumaas ang kanyang satisfaction at performance ratings noong nakaraang buwan.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, tumaas man o bumaba ang numero, nananatiling nakatuon ang pangulo sa pagtupad sa kanyang tungkulin at paghahatid ng serbisyo sa mga Pilipino.
Prayoridad aniya ng administrasyon ang pagdadala ng mga programa, tulong at serbisyo sa mamamayan, at hindi ang paghabol sa mataas na rating.
Nilinaw naman ng Palasyo na hindi nito isinasantabi ang resulta ng mga survey.
Ginagamit pa rin aniya ito ng mga miyembro ng gabinete bilang gabay sa pagpaplano at pagpapalakas ng mga programa at proyektong ipatutupad.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hunyo, umakyat sa 38% ang performance rating ni Pangulong Marcos mula sa 33% noong Marso. Tumaas din ang kaniyang performance rating sa lahat ng pangunahing rehiyon ng bansa.










