Wednesday, April 22, 2026

Pagpapatuloy ng impeachment hearing ngayong araw, tutok sa SALN at AMLC records

Alas-10 ng umaga ngayong araw, ipagpapatuloy ng House Committee on Justice ang impeachment hearing upang matukoy kung may probable cause o sapat na batayan para iakyat sa Senate Impeachment Court ang dalawang verified impeachment complaint laban kay Sara Duterte.

Ayon kay Terry Ridon, pagtutuunan ngayong araw ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), mga bank transaction, income tax returns, at corporate records ng mga negosyo ni Duterte at ng kanyang mister na si Manases Carpio.

Kaugnay ito ng alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint na mayroon umanong hindi maipaliwanag na yaman ang Bise Presidente.

Inaasahang haharap sa pagdinig ang mga opisyal mula sa Office of the Ombudsman, Securities and Exchange Commission, Bureau of Internal Revenue, at Anti-Money Laundering Council.

Inimbitahan din sa pagdinig si Antonio Trillanes IV, na nagbunyag umano ng mga bank account nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Duterte, kung saan umaabot sa daan-daang milyong piso ang mga transaksyon.

Facebook Comments