
Muling pinuna ng isang mambabatas ang Palasyo dahil sa umano’y pag-delay sa panukalang layong bantayan ang pambansang pondo at maiwasang maulit ang flood control scandal.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, nakababahala na nawala sa listahan sa prayoridad ng Malacañang ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill ngayong isyu pa rin ang katiwalian sa flood control.
Mula aniya sa pangatlo noong 2025 ay nasa ika-41 na ngayon ang naturang panukala bilang prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Hindi rin umano tinaggap ang paliwanag ni DepDev Secretary Arsenio Balisacan na nagpasya ang Malacañang at liderato ng Kongreso na iklian ang listahan at unahin ang mga mahalagang panukalang batas na madaling maipasa sa loob ng 12 buwan.
Sa ilalim ng naturang panukala, inaatasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-upload at panatilihin ang detalyadong mga dokumento kaugnay ng budget kabilang ang mga kontrata, gastusin sa proyekto, bills of materials, at procurement records sa isang Digital Budget Platform.
Ang mga opisyal naman ng gobyerno na mabibigong magsumite ng mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng pekeng impormasyon ay haharap sa administratibo at kriminal na parusa.
Sinabi pa ng mambabatas na magiging magandang legasiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sakaling maisabatas sa kaniyang termino.










