Monday, August 31, 2026

Senador, pinagsusumite ang DBM at DOF ng update sa paggastos sa 2026 national budget at utang ng bansa

Pinagsusumite ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) ng update sa paggastos ng 2026 national budget at sa sitwayson ng utang ng gobyerno.

Sa pagtalakay ng Senado sa P7.2 trillion 2027 national budget, iginiit niya na kailangan ng mga mambabatas ang mga impormasyong ito para sa pagbalangkas ng panibagong pambansang budget na “transparent” at tapat sa mga prayoridad nito.

Partikular na hinihinging impormasyon ng Minority Leader ay kung magkano na ang nailabas sa 2026 budget, magkano ang mga nailaan sa proyekto at ang aktwal na nagastos dito.

Dagdag pa rito ang absorptive capacity o ang kayang gastusin ng bawat ahensya gayundin ay hinihingi rin ng senador ang detalye tungkol sa mga pondong inilaan para sa programa na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).

Nais ding malaman ni Cayetano sa DOF kung magkano na ang kabuuang utang ng pamahalaan hanggang nitong July 31 pati na ang mga loan at bond na kinuha o ginarantiyahan ng gobyerno sa nakalipas na tatlong taon.

Dagdag pa sa nais makuha ni Cayetano ang impormasyon kung aling foreign loan at grant ang aaprubahan pa ng pamahalaan gayundin ang listahan ng mga pondong inilipat, na-realign, o idinagdag sa ibang programa simula July 2023 pati na rin kung saan galing at saan napunta ang pera.

Facebook Comments