
Dismayado si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sa ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na kumukwestyon sa kalidad ng bigas na ibebenta sa presyong ₱20 kada kilo.
Labis na nasaktan ang kalihim sa pinalilitaw ng bise presidente na hindi pang tao kundi panghayop ang ibebentang bigas.
Ani Laurel, insulto ito sa mga mga magsasaka na nagpapakahirap na magtanim ng naturang pagkaing butil.
Nakalalulungkot isipin aniya na manggagaling sa bise presidente ang ganitong pananalita sa gitna ng pagsisikap ng pamahalaan, kung saan ay kabahagi pa rin siya.
Para sa Department of Agriculture (DA), ang mga rice program ay bahagi ng pagsisikap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na matupad ang kaniyang campaign promise noong 2022 upang mapagaan ang pinansyal na kalagayan ng pamilyang Pilipino, partikular ang mga vulnerable sectors.
Panawagan ni Secretary Tiu Laurel sa bise presidente, isantabi muna ang pulitika at makipagtulungan sa DA na mapagaan ang buhay ng mga Pilipino.