
Nagdagdag pa ang National Capital Region Police Office o NCRPO ng mga police personnel na ide-deploy kasabay ng ika-128 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay NCRPO Chief Police Maj. General Anthony Aberin, mula sa dating mahigit 8,000 PNP personnel ay ginawa itong mahigit 12,000.
Maliban pa ito sa kanilang puwersa na naka-standby sa mga kampo ng PNP.
Ipapakalat ang karamihan sa mga pulis sa mga lugar kung saan magsasagawa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo.
Binigyang diin ni Aberin na mas mainam na maraming ide-deploy na pulis para masiguro ang kaligtasan ng publiko lalo na sa mga lugar na dadagsain ng mga raliyista bukas.
Samantala, sa panig ng Southern Police District, todo pa rin ang pagbabantay nila bukas sa Senado lalo na’t may banta rin sa seguridad.
Sa panayam ng DZXL RMN Manila kay SPD District Director Glenn Cinco, may mga intel report din silang natanggap na marami ang mga magsasagawa ng rally bukas sa southern Metro Manila.










