
Na-hack ang website ng Senate of the Philippines ngayong umaga.
Sa inilabas na statement ng EDP-MIS Bureau (Electronic Data Processing – Management Information System) ng Senado, nagkaroon ng unauthorized modification o website defacement ang official website ng Senado.
Agad na na-detect ng EDP-MIS ang insidente kaya naglatag agad ng security protocols sa website ang technical team ng Mataas na Kapulungan.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng komprehensibong imbestigasyon ang departamento at inaalam ang lawak ng hacking activity sa website.
Batay naman sa initial assessment, wala namang nakompromiso o na-hack na confidential o sensitive information sa Senate website.
Kapag chineck ngayon ang senate.gov.ph ay under maintenance ang naturang website.
Kini-claim naman ng “Nullsec Philippines” na isang Filipino Hacktivist ang pangha-hack sa website ng Senado bilang paraan ng kanilang digital protest sa mga nangyayaring katiwalian at kawalan umano ng transparency sa gobyerno.










