
Umarangkada na ang pagtalakay ng Technical Working Group (TWG) na binuo ng House Committee on the Welfare of Children sa mga panukalang batas na magpapatupad ng regulasyon sa paggamit ng social media ng mga bata sa bansa.
Pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang TWG na tututok sa iba’t ibang panukalang batas na layuning matiyak ang kaligtasan at maproteksyunan ang mga bata sa digital environment.
kabilang sa mga panukala ang House Bill No. 9965 na ini-akda ni House Speaker Faustino Bodjie Dy III at Majority Leader Rep. Sandro Marcos na nag-aatas sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DEPED) na isama sa K to 12 curriculum ang “Digital Literacy and Ethical Use of Social Media”.
Sa ilalim na panukala ay ipagbabawal ang social media accounts para sa mga batang 13-anyos pababa habang papayagan naman ang 13 hanggang 17-anyos na maka-access sa platforms pero dapat ay may verifiable parent consent at supervision.
Ayon kay Speaker Dy, hindi hangad ng panukala na ilayo ang mga bata sa teknolohiya kundi tiyaking hindi sila magiging biktima nito.
Katwiran pa ni Dy, hindi maaaring ipaubaya sa teknolohiya ang pagpapalaki ng ating mga anak na dapat ay pagtulungan ng mga mga magulang, mga guro, at ang buong pamahalaan.










