
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE) na agarang tugunan ang problema sa suplay ng kuryente sa Visayas kasunod ng sunod-sunod na Yellow at Red Alert sa rehiyon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, na direktang ipinag-utos ng pangulo na ayusin ang sitwasyon kaya naghahanda na ang DOE ng isang pangmatagalang plano para sa Visayas, gayundin sa Mindoro at Palawan.
Aniya, kabilang ang tatlong lugar sa mga pangunahing lugar na may problema sa suplay ng kuryente at kailangang mabigyan ng pangmatagalang solusyon.
Kapag naipatupad ang mga hakbang, inaasahang hindi na kakailanganing saluhin ng Luzon at Mindanao ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas.
Noong Martes, muling nagdeklara ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng Yellow Alert sa Visayas Grid mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi dahil sa manipis na reserba ng kuryente at ilang power plant na hindi makapag-operate nang normal










