Friday, July 17, 2026

Psychological violence sa pamamagitan ng social media, pinatawan ng mas mataas na parusa ng SC

Itinaas ng Korte Suprema ang parusa pagdating sa psychological violence na ginawa sa pamamagitan ng social media.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul Hernando, pinagtibay ng Supreme Court First Division ang pagbabago sa nauna nilang desisyon na humatol ang isang indibidwal dahil sa psychological violence laban sa kaniyang dating kasintahan.

Sinabi ng SC na sapat nang isinagawa ang psychological violence gamit ang Facebook para ituring ito na krimeng ginawa sa pamamagitan ng information and communications technology o ICT.

Ibig sabihin, maaaring patawan ang akusado ng mas mabigat na parusa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.

Nag-ugat ang desisyon matapos mapatunayang nag-post ang isang lalaki ng mapanirang mensahe laban sa kaniyang dating nobya sa Facebook kung saan nagbanta pang sasaktan ito.

Bagama’t itinanggi ng akusado na siya ang may-ari ng Facebook account, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na hindi lamang pangalan at larawan ang naging batayan kundi kasama na rin ang iba pang ebidensiya, testimonya ng mga kapatid ng biktima at ang paggamit ng account sa pagpapadala ng mga mensahe.

Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol sa akusado na guilty sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act o Anti-VAWC Act.

Kasabay nito, itinaas ng Korte ang parusa dahil napatunayang ginamit ang Facebook, na kinikilala bilang isang ICT system.

Dahil dito, hinatulan ang akusado ng pagkakakulong ng anim hanggang mahigit labing-apat na taon, pinagmulta rin ng P100,000, at inutusang sumailalim sa psychological counseling o psychiatric treatment.

Facebook Comments