
Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang temporary ban sa importasyon ng mga hayop na madaling kapitan ng Foot-and-Mouth Disease (FMD) at mga kaugnay na produkto mula sa Hungary.
Ito’y matapos ang desisyon ng World Organization for Animal Health (WOAH) na ibalik ang FMD-free status sa containment zone ng Hungary matapos madeterminang nakatugon ito sa pamantayan ng International Animal Health Products (IAH) kung saan hindi ginagawa ang pagbabakuna.
Sa ilalim ng bagong Department Circular No. 34, pinapayagan na ang importasyon ng mga hayop na madaling kapitan ng FMD, karne at animal-by products mula sa Hungary, alinsunod sa umiiral na regulasyon sa sanitary at veterinary measures.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr, ang kanilang desisyon ay alinsunod sa hakbang ng gobyerno na nakabase sa siyensiya upang bantayan ang kalusugan ng mga hayop habang sinisiguro ang matatag na supply ng pagkain.
Ang muling pagbubukas ng Hungarian imports ay bahagi ng mas pinalawak na istratehiya ng DA na gawing iba-iba ang pinagkukunan ng bansa ng agricultural imports at upang mabawasan ang panganib sa supply at mapahusay ang katatagan ng merkado.










