
Lumutang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na banta pala sa first family ang tungkol sa Romanov at ito ay unang sinabi ni Davao City Mayor Baste Duterte.
Sa pagpapatuloy ng ika-limang araw ng impeachment trial, sinabi ni Senator-judge Raffy Tulfo na si Mayor Baste ang unang nagbanggit sa “Romanov” sa gitna ng isang rally speech na mistulang pagbabanta sa Pangulo at sa pamilya nito na posibleng matulad sa Romanov dynasty kung saan inubos ang kanilang pamilya.
Kinumpirma ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na sinabi nga ni Mayor Baste ang salitang “Romanov” na mistulang pagbabanta sa pamilya ni Pangulong Bongbong Marcos.
Nabusisi naman ni Senator-Judge Ping Lacson kung naging bahagi ba ng open-source investigation ng NBI ang Romanov na binanggit ni Mayor Baste.
Gayunman, sinabi ni Lotoc na hindi nila ito nakuha sa kanilang open-source investigation dahil hindi sa Romanov nakasentro ang kanilang imbestigasyon kundi sa grave threats ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Nilinaw naman ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na hindi matatawag na banta sa first family ang pagkakabanggit ni Mayor Baste sa Romanov kundi paghahalintulad lamang sa mga Marcos na parehong napatalsik sa pamamagitan ng rebolusyon.
Ang kaibahan lamang, pinatay ang mga Romanov pero ang mga Marcos ay nagawang makabalik sa pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Lotoc na sinubukan nilang hingan ng panig si VP Sara tungkol sa banta sa kanyang buhay na kaugnay sa operation ROMANOV subalit hindi nakipagtulungan dito ang bise, maging si Princess Maui na nasa pressconference na nagbanggit tungkol dito kaya hindi nila validated ang naturang banta laban sa bise presidente.










