
Para kay House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, hindi kailanman mauunawaan at matatanggap kung bakit pahirapan pang maibigay sa nagdurusang mga manggagawa ang kakarampot na umento sa sahod.
Mensahe ito ni De Lima, kasunod ng preliminary injunction na ibinaba ng Pasig Regonal Trial Court na nagpapalawig sa suspensyon ng pagpapatupad sa 85 pesos na wage increase sa National Capital Region.
Giit ni De Lima, napakaliit ng 85 pesos wage hike na dapat ay matagal nang ibinigay kaya nakakadismaya na patuloy itong ipinagdadamot na malinaw na kawalan ng hustisya at pagpapahirap sa ating mga manggagawa.
Binatikos din ni De Lima na mas pinipili pa ng mga kompanyang nagsampa ng petisyon laban sa wage increase na magbayad ng P10 billion na injunction bond sa halip na ibigay na lang sa mga manggagawa ang P85 na umento.
Diin ni De Lima, dapat mahiya at kilabutan ang mga may kagagawan ng patuloy na pagkakait ng dagdag na sahod sa ating mga manggagawa.










