PAKWAN FARMING SA CALASIAO, UMUUSBONG BILANG BAGONG ATRAKSYON

Bukod sa tanyag na puto, unti-unti na ring nakikilala ang bayan ng Calasiao sa masaganang produksyon ng pakwan na ngayo’y nagbibigay ng dagdag-kabuhayan sa mga magsasaka ngayong tag-init.

Sa mga taniman sa Barangay Ambonao at Cabilocaan, kapansin-pansin ang sunod-sunod na ani ng malalaking pakwan na umaabot sa halos limang kilo bawat isa. Ayon sa mga magsasaka, naging maganda ang produksyon ngayong buwan dahil sa paborableng panahon at mas pinalawak na kaalaman sa watermelon production.

Kasabay ng pagtaas ng temperatura, tumataas din ang demand sa pakwan dahil sa taglay nitong mataas na water content na nakatutulong upang mapanatiling hydrated ang katawan. Dahil dito, mabilis ding naibebenta sa mga pamilihan ang mga bagong aning prutas.

Malaki rin ang naging papel ng Farmers Field School (FFS) on Watermelon Production sa pagpapalawak ng industriya matapos makapagtapos ang 80 magsasaka sa pagsasanay na nakatuon sa mas episyenteng pamamaraan ng pagtatanim at pagpapalago ng ani.

Mula sa pagiging karagdagang pananim noong nakaraang taon, unti-unti nang nakikita ang potensyal ng pakwan bilang isa sa mga produktong agrikultural na maaaring magbigay ng bagong pagkakakilanlan sa Calasiao. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments