
Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na matutuloy ang 2028 presidential elections.
Pahayag ito ng poll body kasunod ng sinabi ni Vice President Sara Duterte na umaasa siyang may mangyayari pang halalan sa 2028.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, siguradong matutuloy ang 2028 elections at handang-handa sila para rito alinsunod sa kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas.
Kaugnay niyan, nasa 50 hanggang 60 percent na aniya ang COMELEC sa ginagawang preparasyon sa eleksyon.
Nag-ugat ang pahayag ni Garcia nang sabihin ni Duterte sa isang panayam sa The Hague, Netherlands na ang maipagdarasal nalang nila ay magkaroon ng halalan sa 2028 at maging maayos, tapat at mapayapa ito.
Samantala, sa ngayon ay nasa 1.3 million na ang mga nagparehistrong botante para sa halalan at nagpapatuloy ang voter registration hanggang sa May 18.










