Pamahalaan, bukas sa iba pang ihahain na reklamo laban sa PrimeWater

Bukas ang pamahalaan sa pagtanggap ng mga reklamo laban sa PrimeWater, na pag-aari ng mga Villar, sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa kompanya.

Pahayag ito ng Palasyo matapos na pormal na maghain ng reklamo sa Office of the President ang Bayan Muna Party-list at ilang consumer tungkol sa serbisyo ng PrimeWater.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang dumadagsang reklamo laban sa PrimeWater ay patunay na hindi namumulitika ang administrasyon at may sapat na basehan dahil maraming consumer ang apektado.

Kaugnay naman sa hiling ng ilang grupo na kanselahin ang lahat ng Joint Venture Agreement ng PrimeWater sa lahat ng local water districts, sinabi ni Castro na dadaan ito sa tamang proseso.

Nagpapatuloy aniya ang imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration sa PrimeWater kaya hintayin na lamang muna ang magiging resulta nito.

Facebook Comments