
Bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puntod ng kaniyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City noong Oktubre 30, bago pa ang Undas.
Kasama ng Pangulo ang kaniyang inang si dating First Lady Imelda Marcos, kapatid na si Irene Marcos-Araneta, at ilang kaanak at malalapit na kaibigan.
Isang pribadong misa rin ang isinagawa ng pamilya.
Taong 2016 nang mailibing si Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani, mahigit dalawang dekada matapos siyang mamatay sa Hawaii noong Setyembre 28, 1989.
Naging kontrobersiyal ang paglilibing sa kaniya sa naturang sementeryo dahil sa pagtutol ng mga grupo at pamilya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law.
Gayunman, pinayagan ito ng Korte Suprema matapos ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa kaniyang paglilibing.










