Monday, November 2, 2026

Dambana ng paghilom, naging tagpuan ng mga kaanak ng drug war victims na patuloy na humihingi ng hustisya tuwing Undas

Sa Dambana ng Paghilom sa La Loma Cemetery, Caloocan, nagtitipon tuwing Undas ang mga pamilya ng mga biktima ng drug war upang alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay.

Pero para sa kanila, mahirap maghilom ang sugat ng pagkawala habang hindi pa nakakamit ang hustisya.

Kabilang dito si Nanay Cena, na nawalan ng anak sa kasagsagan ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ikinuwento rin niya ang mga nasaksihang pagpatay sa Parola, Tondo, habang nagtitinda gamit ang kaniyang kariton.

Isa rin sa patuloy na naghahanap ng hustisya si Alyas Jennilyn na dumalaw sa dambana upang alalahanin ang kaniyang amang napatay noong 2016 sa Bagong Silang, North Caloocan City.

Nanonood lamang umano ng telebisyon ang kaniyang ama sa labas ng tindahan ng kapitbahay nang mangyari ang pagpapatay.

Tatlong lalaki umano ang nakita sa lugar, habang kasama ng kaniyang ama ang dalawang apo nito na nadamay sa pagbagsak nang barilin siya.

Siyam na taon na ang lumipas, pero wala pa ring malinaw na impormasyon ang pamilya tungkol sa mga salarin at pag-usad ng kaso.

Ngayong nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte at nahaharap sa mga kasong crimes against humanity, umaasa si Jennilyn na magkakaroon na ng pananagutan ang mga nasa likod ng pagkamatay ng kaniyang ama.

Sa Dambana ng Paghilom, iisa ang hiling ng mga pamilyang ito: mabigyan ng hustisya ang kanilang mga mahal sa buhay.

Dahil para sa kanila, hindi magiging ganap ang paghilom hangga’t walang napapanagot sa mga pagkamatay na kanilang iniwan.

Facebook Comments